Ikaw at Ang Sangkalawakan

Ikaw at Ang Sangkalawakan

Kagabi, habang nakatalukbong ng kumot ay nag-isip na rin ako ng mga paraan kung paano nga ba makalimot.  ‘Yung wishful thinking na ‘Please, don’t make me remember that mega-blissful scenario.  So die, mga alaalang masasaya, die.’  Kaya kahit madilim sa kwarto, pinag-aralan ko magdamag kung paano burahin ang mga gunita—hanggang sa nakatulog ako.  Ngayong umaga, nagising ako at nadiskubre ang apat na paraan para makatakas dito sa ever-heartbreaking, napakalupit na mundo.  Anu-ano nga ba ang mga paraan para ibaon sa hukay ng oblibyon ang mga alaala?!

Una, alak.  Papatayin ang malulungkot na sandali sa pamamagitan ng paninigarilyo kasabay nang pagtungga sa serbesa.  Lalangoy sa dagat ng alkohol at pipiliting lunurin ang mga alalahanin.  Kinabukasan, magigising ka na superwasted at megawornout.  As in ‘yung nakakapangit na klase ng paglalasing.  Akala mo nakalimot ka na, pero malalaman mong mas magaling pa sa’yo sumisid ang mga problemang pilit mong nilunod sa alkohol kinagabihan lang.  Kumbaga, pang-short time lang ‘to at hindi talaga nakakasolb ng mga suliranin sa buhay.  And take note, may libre ka pang migraine.

Pangalawa, sugal.  Babalasahin ang gumugulo sa isipan, sasalatin ang piyesa de problema, at paiikutin ang roleta ng swerte.  Maglulustay ng pera sa isang magdamagan at uubusin ang natitirang pag-asa.  Makikipagsapalaran sa kwadro ng tong-its, sa kabayong nakikipag-unahan sa karera, o sa numero ng betu-beto.  Sa huli, maglalakad na parang tanga at mapagkakamalan na zombie dahil tulala habang tumatawid ng pedestrian crossing.  Nawala na nga ang lahat ng yaman, susuklian pa ng panibagong problema.  Wag na uy!  I-u-uncheck ko na ‘to sa listahan ko.

Pangatlo, droga.  Tuturukan ang sistema ng isang kemikal na maaaring magpatawa o magpalungkot.  Pwede ring uminom ng tableta o humithit ng usok; pagkatapos ay ipupunta ka sa dimensyon ng wala o sa mundo ng piksyon.  Iba’t iba ang side effects n’yan e:  may pampakalma, pampasigla, at halusiheno.  Matapos magpasakop sa nasabing kemikal, malalaman mo na ikaw na pala ang kinokontrol nito at mahihirapan ka nang kumawala sa pagkakagapos sa tinatawag nilang adiksyon.  Cross-out na’to.  Ayoko subukan kahit isang beses lang.  Kahit papaano, priority ko pa rin ang kagwapuhan ko over the deadly side-effects ng ipinagbabawal na gamot para lang makalimot.

Ang panghuli, suot ang helmet at gamit ang aking motorsiklo.  Siguro, isang aksidente lang ang magsisilbing gamot upang pahupain ang mga masasalimuot na vayrus na kumakain sa laman ng aking masasayang alaala.  Kung flowery word ang gagamitin, this is the classic way of ‘Pagtakas’ dahil ito ay isang paraan para matanggal nang permanente ang mga mapapait na nakaraan, at hawiin ang mga alikabok at agiw na bumabalot sa kisame ng aking memorya.  In short, ‘Kamatayan’.

Akalain mo ‘yun, magpapakamatay na lang ako e kailangan ko pa ng helmet?! Pero ‘wag na natin problemahin ‘yun.  Ang hiling ko lang naman ay makalimot.  Lahat—kasama na ang trenta pesos na utang ko kay Spike.  Kaya hinigpitan ko ang kapit sa manibela, at kasabay nang pagharurot ko sa kalsada ay ang pagbalot sa akin ng hangin at takot.  Klase ng takot na kailangan lakbayin ang tahimik na gubat nang nag-iisa.

Habang nanunuot sa ugat ko ang silakbo at kilabot, blanko lang ang nasasagap ng peripheral vision ko at alam kong THIS. IS. IT. THE. END.  Hihintayin ko na lang na may isang malaking trak ng basura ang bumangga sa akin.

Habang tinatahak ang tahimik na kalsada ay napatingala ako—sa mga alapaap—at nasilaw sa sinag na galing sa langit.  Walang halong hapdi sa mata, pero nakakabulag ang liwanag na nanggagaling sa butas ng mga ulap.  Teka, teka!  Parang ayaw ko pa ma-deads.  Atsaka nangako nga pala ako sa sarili ko na hindi ako mamamatay na pangit.  Okay, sige na nga!  Hindi ko na nanamnamin ang feelings ng isang sawian.  Siguro nga duwag ako pero hindi sa ganitong paraan kaya pasensya na Mr. Psychopomp slash Kamatayan at mukhang pepetiks ka muna ngayon dahil may isang mortal na gusto pa manatili sa mundo ng mga tao.  Lalagyan ko na lang siguro ng band-aid ang wasakang puso.  Okay lang kahit naglaho na ang pag-ibig na nag-evaporate dahil sa sobrang init ng pagmamahal.

Binagalan ko ang takbo ng motor at ‘di ko namalayan na napangiti ako.  Pero mukhang isinumpa ang Biyernes kong ito dahil may isang…

Whooooosh!

Lintik lang at biglaan ang pagtawid ng isang mabalahibong hayop sa gitna ng kalsada.  Matapos ang bilis-kidlat na pangyayari ay ang milagrong pag-shift gear sa takbo ng oras.  Naging slow motion ang mundo; bumagal ang galaw ng bawat bagay, kasama na ang pagkahulog ng mga dahon sa isang puno na nasa kaliwang parte ng kalsada.  Napasulyap ako sa aking relo at napag-alaman na alas-dos trenta’y kwatro na ng hapon.  Adrenaline rush.  Involuntary reflex.  Fast-thinking.  Kailangan kong maiwasan ang bawat bagay na maaari kong masagasaan kasama na rito ang paparating na kulay pulang sasakyan, isang lalake sa gilid ng kalsada, at ang mga puno na sumasayaw sa ihip ng hangin.  Tama!  Wala nang ibang paraan at kailangan kong banggain ang poste ng kuryente dahil ito ang sasagip sa akin mula sa napipintong pagkahulog mula sa isang matarik na dalisdis.  Pero sa ‘di inaasahan na pagkakataon ay naroon siya, ang kulay abo na aso, na siyang dahilan ng magiging aksidente ko.  Nakatitig ito sa aking mga mata na tila nagmamakaawa na huwag siyang sasaktan.  Yes.  The ever-cuddly dog na mukhang magiging dahilan ng pamamaalam ko sa sangkatauhan.
Since mukhang mamamatay na talaga ako, ayoko na mandamay pa.  Kailangan kong iwasan ang asong ‘to.  Kumanan pa ulit ako at syempre… Surprise!  Ibabangga ko ang sarili sa bakal na nagsisilbing proteksyon mula sa bangin.

 

Oh, come on!

 

Pumikit ako sa hindi ko alam na dahilan.  At narinig ko ang pagdadaop ng metal sa isa pang metal—isang nakakarinding alingawngaw ng dalawang bagay na nagbanggaan.  BLAAAAAAG!  At pagkatapos ay tumilapon (Thanks, Inertia).  Bumagsak sa kaliwang braso (Nice, Mr. Gravity).  Nagpagulong-gulong na parang bola sa lubak-lubak na lupa (Maraming salamat, Friction).  At one-time, big-time na impact.

 

Panandaliang kadiliman.

 

Iminulat ko ang aking mga mata at nasilayan ang pagpatak ng liwanag ng araw sa lupa.  Sinisinagan nito ang nagkalat na gasolina sa semento at napatitig ako sa langit.  Napatitig ako sa asul na himpapawid at bumiyahe ang aking pananaw sa pinakadulo ng walang hanggan.  Ginantihan ako ng dakilang araw ng kanyang kinang at ningning ngunit napapikit ako at naisip na hindi ko kayang labanan ang nag-iisang hari ng langit.
Pinagmasdan kong muli ang nagkalat na petrolyo sa kalsada at nasaksihan ang pagbabagong anyo nito—sa pagsanib, sa pagliyab, sa pagkalusaw.  Spectral colors.  Sa pamamagitan ng gasolina at liwanag ng apoy ay nagagawa nitong magbigay ng libu-libong kulay.  Nagsisimula sa kislap ng likidong kristal.  Mula sa kawalan ay nagiging lagablab.  Ang pula ay nagiging biyoleta.  Dumadaan sa pusyaw ng kahel.  Sa hiwaga ng dilaw.  Sa kapayapaan ng berde at asul.  At nagtatapos sa misteryo ng bughaw at lila.  Mula sa pinagsanib-sanib na kapangyarihan ng mundo, ang likidong gaas at ang sinag ng araw ay nakagagawa ng bahaghari.
Naramdaman kong dinidilaan ng aso ang pisngi ko.  Nakarinig din ako ng sigawan sa ‘di kalayuan.  At may isang lalaki ang sumaklolo sa akin.  Naisip ko na masarap din pala mabuhay—pero bakit ngayon pa kung kailan dumadanak na ang dugo ko sa semento?

At muling binalot ng kadiliman ang bawat sulok na sinasakupan ng balintataw ko.