Mga Alaalang Nilamon ng Blackhole

Mga Alaalang Nilamon ng Blackhole

Nadatnan ko ang sarili na nakahiga sa isang kwarto ng ospital. At sa pagbubukas ko ng aking mga mata ay sinorpresa ako ng sapantaha. Litung-lito. Tuliro. Walang ideya kung ano man lang ang pangalan ko. Ni hindi alam kung bakit nasa ganitong klase ng sitwasyon ang aking kalagayan.

Sa gilid ng kama ko ay may isang lalaki na nagbabantay sa akin. Itinuring ko siya bilang pinakaunang bisita ko sa ospital. Nagpakilala siya—sabi niya siya raw ang Daddy ko. Noong mga oras na ‘yon ay mag-isa lang siya dahil salitan daw ang palitan at ayaw rin niya na mapagod si Mama. Inabutan niya ako ng tubig at nagkuwento na tatlong araw na akong comatose. Tinanong niya kung ano ang masakit sa akin, kung ano ang kailangan ko, kung ano ang gusto ko.

Tumahimik lang ako.

Lumapit siya at nakita ko ang pag-aalala sa kanyang mga mata. Tinanong niya kung kilala ko ang sarili ko. Wala akong maisagot. Biruin mo, hindi ko alam kung paano ko sasabihin ang isang detalye na nabura sa archive ng aking memorya. Hindi ko mawari kung paano hahagilapin ang isang kaalaman na natunaw na parang yelo sa karagatan ng aking alaala. Sino nga ba ako?

Dito na ako nagsimulang umiyak.

Paunti-unti kong nararamdaman ang hapdi na tinamo ko mula sa aksidente. Tatlong buto sa tadyang ang lumihis sa pagkakaayos. Bali ang kaliwang paa. Puro galos ang mukha. Mahapdi ang bibig. Blackeye sa mata. May pilay sa braso. At umiikot na paligid. Parang nararamdaman ko na tinatahi pa rin ang mga sugat ko sa braso. Ultimo hinliliit ko, kumikirot. Gusto kong uminom ng anestesiya para pahupain ang hapdi ng bawat sugat. Sa kabilang banda, gusto ko matulog. Nagbabakasakaling kahit ilang minuto lang ay maging manhid muli ang katawan ko sa lahat ng sakit na tinamo ko sa aksidente. Pero sumahin ko man ang lahat ng nararamdaman ko mula kalingkingan papunta sa aking bituka, walang kaparis ang pisikal na sakit kung ikukompara ito sa pagkawala ng memorya ko.

Napamura na lang ako.

Pero wala rin naman akong magagawa. Nilamon na ng pangkalawakang itim na butas ang mga alaala ko papunta sa dulo ng unibers. Mind you, dulo talaga ng unibers dahil lightyears na ang pagitan ko mula sa mga impormasyon na dati-rati ay nasa pusod lang ng aking sangkaisipan. Sa isang kisapmata. Singbilis ng tibok ng puso. Naglahong parang bula.
Iminulat kong muli ang aking mga mata nang may takot; hindi dahil wala akong alam kung hindi dahil nawala ang lahat ng nalalaman ko. At sa puntong ito ay nabahiran na ng pangamba ang aking huwisyo. Dagdag pa rito, parang hinahampas ng bakal ang ulo ko sa tindi ng kirot. Papalubog na ang araw na matatanaw sa bintana ng kwarto ko at sa kung paano binabalot ng dilim ang buong paligid ay ganoon din ang pagsukob ng takot sa aking puso. Tinanong ulit ako ng bisita ko kung kumusta na ang pakiramdam ko. Pagpikit lang ng mga mata ang tangi kong sagot.

Dito na ako niyakap ni Daddy.

At sa puntong ito ay nakaramdam ako ng kaligtasan na matagal ko nang nakalimutan. Tinitigan ko siya—lahat ng kakulangan ng memorya ko, sinagip ng puso ko. Hindi man kayang alalahanin ng utak ko, nauunawaan naman ng puso ko ang isang bagay na hindi na kailangan pang ituro para maintindihan. Kahit hindi ko mabungkal sa ulirat ko kung sino ang taong nasa harapan ko, nararamdaman ko na proprotektahan ako ng taong ‘to.

Siya nga ang Daddy ko.

Dumating ang doktor. Kinamusta niya ako at nagtanong ng mga detalye tungkol sa buhay ko. Sa bawat tanong ay may ilang bagay akong naaalala pero karamiha’y ‘di ko masagot. Kinuhaan ako ng vitals, binilang ang tibok ng puso, at ineksamin ang mata. Pinainom niya ako ng gamot at tinapik sa balikat kasabay ng mga katagang, “magiging okay ka rin.” Gusto ko sana siyang tanungin kung sa anong aspeto ng buhay ko ang sinasabi niyang magiging okay din pagdating ng panahon.

Sa unang pagkakataon ay gulung-gulo ang diwa ko. Pakiramdam ko ay dahan-dahan akong nalulunod sa malawak na karagatan ng takot. Hindi makagalaw. Hindi makasigaw. Hindi makahinga. Pero buti na lang at buhay pa rin ako.
Kinausap ng doktor si Daddy. Tinitigan ko sila. Para silang nag-uusap tungkol sa isang business proposal. Kung ano ang target market, value, at chances na mag-boom ang negosyo. Seryoso ang usapan. Maraming tanungan. Maraming pagpapaliwanagan. May pumasok na nurse at kinuhaan niya ako ng blood pressure at temperature. May sinulat na reseta si Dok at ibinigay ito kay Daddy. Nagkaroon ulit ng diskusyon sa pagitan nilang dalawa. Lumabas ang nurse at sumunod ang doktor pati si Daddy. Sinara niya nang marahan ang pinto at naiwan akong nag-iisa sa kwarto. Nakatitig sa kisame. Halos talukap lang ng mga mata ko ang kaya kong igalaw. Doon ko lang napagtanto ang mga swero na nakatusok, ang benda sa ulo, at ang sementadong kaliwang paa ko.

Pumasok si Daddy; humilata muna sa upuan at sumulyap sa akin, “pahinga ka na muna, Troll,” at nagsimulang magtext.

Troll?! Oo nga, ako nga si Troll. Kung hindi pa sinabi ni Daddy kung ano ang pangalan ko, hindi ko mahahalungkat sa baul ng aking memorya kung sino nga ba talaga ako.

Naglakas loob ako magtanong, “Pa, ilang araw na akong walang malay,” habang kinukumbinsi ang sarili na maging kalmado.

“Tatlong araw na,” at isinenyas ni Daddy ang tatlong daliri.

Akalain mo ‘yun. Pitumpu’t dalawang oras na akong tulog at pakiramdam ko ay naipit ako sa dalawang espasyo ng nakaraan. Parang huminto ang oras sa sarili kong timezone. Nagising, nandito lang pero hindi na makasunod sa pag-inog ng mundo. Ganito ba talaga kalupit ang buhay? Inalis sa akin ang alaala ko. Tinanggal ang lahat ng nalalaman ko. Ultimo pangalan ng crush ko ay ‘di ko maalala.

“Pa, ano ‘yung mga pangyayari sa buhay mo na ‘di mo malilimutan?”

“Yung mga pangyayari noong bata ako,” habang inilalapag ni Daddy ang cell phone sa lamesa, “may isang puno sa bakuran natin na witness sa maraming kwento ng kabataan ko. Bakasyon no’n. Summer. Habang tirik na tirik ang araw, kasama ‘yung mga kaibigan ko ay sabay-sabay kaming nangarap sa lilim ng punong ‘yon. Bawat isa may hangarin. Maging isang pulis, doktor, artista at engineer.” Tumingin si Daddy sa labas ng bintana, “nangako kami na tutuparin ‘yon sa ngalan ng barkadahan.”

“Ayos sa alright Pa ha. ‘Yun ba ‘yung aratilis sa bakod natin?!”

“Pero sumapit ang tag-ulan, dumating ang tag-araw. nalagas ang mga dahon— Tumanda kami, nagkapamilya. ‘Yung pangarap ko, nilipad ng hangin patungo sa kung saan,” sumulyap sa akin si Daddy, “at itinuloy na ng kasunod na henerasyon ang pagbuo ng kani-kanilang pangarap sa lilim ng punong ‘yon. Sa panibagong henerasyon, may nangarap na maging piloto, magaling na kusinero, makapagsuot ng kurbata, at magturo sa mga bata.”

Tumawa ako nang bahagya, “medyo poetic pala kayo kapag nagkukuwento, Pa!”

Pero mas malakas ang hagalpak ni Daddy, “alam mo ba na sa bagong henerasyon, ikaw ang nangarap na maging piloto.”
Aaah. Oo, naaalala ko na. Gusto ko nga pala magpalipad ng isang panghimpapawid na sasakyan para tanawin ang kabuuan ng mundo sa pinakamataas na kaya nitong abutin.

“Impluwensiya siguro ng panonood mo sa mga cartoons na nagpapalipad ng mga spaceship,” dagdag ni Daddy. “Sa tuwing may eroplanong dumadaan, standard operating procedure mo na ang pagbaba-bye sa kanila. Pero balik tayo sa puno ng aratilis, alam mo ba na du’n ka natutong magbilang nang mabilis habang kinakanta ang Tagu-Taguan. Doon ka rin nag-aral magsulat nang inukit mo ‘yung pangalan ng crush mo. At gaya ng ibang bata, sa punong ‘yon una mong sinuway ang utos namin ng Mama mo. Binalaan ka namin na huwag ‘yun aakyatin. Maraming beses ka namin pinagsabihan pero dumating ang araw na naging pasaway ka! Hindi naman kataasan ang puno pero marurupok ‘yung mga sanga no’n na buong tapang mong inakyat para kumuha ng mga bunga. Kumapit, naglambitin, at nahulog. Nakababa ka nang walang galos pero may pilay sa kaliwang braso. Sinermonan ka namin magdamag no’n. Naaalala mo? Pero lumipas ang maraming taon, napagdesisyunan na patayuan ng bahay ang lupa na kinatitirikan ng alatires. Ayaw mo sana ipaputol ‘yung puno pero kailangan dahil magiging extra income ‘yun para sa lolo mo. Kaya ayun, tinabas ang sanga, tinaga ang ugat, at hiniwa ang katawan. Pagkatapos putulin ‘yung puno ng alatires, umiyak ka magdamag sa kwarto mo. Grade five ka pa lang n’on.”

“Medyo naaalala ko nga ‘yon—nakakatawa pala ‘ko dati!” Hinimas ko ang kanang sintido ko. “Pa, medyo sumasakit na ‘tong ulo ko. Matutulog muna ‘ko kahit saglit lang.”

Mukhang isang supercalifragilistic na pakikipagsapalaran ang kailangan kong tahakin patungo sa pagkolekta ng mga nawawala kong alaala. Kahit paisa-isa, kahit matagalan basta mabawi ko lang. Pero sa ngayon, matutulog muna ‘ko—
Ngunit biglang bumukas ang pinto.

Isang babae. Nagmamadaling pumasok at kahit hindi pa siya nagsasalita, kilala ko na kung sino siya. Siya lamang ang alaala na hindi nagawang paslangin ng Epidemya ng Amnesia. Siya ang tinta na hindi nagawang pawiin ng Pambura ng Pagkalimot. At siya ang lugar na hindi nasakop ng Konkistador ng Oblibyon.

Siya ang Mama ko.

Nakatanggap ako ng isang yakap. May kasamang iyak at hikbi. Okay na sana pero parang kinakabahan ako.
“Ikaw bata ka hindi ka nag-iingat! Kailangan mo pang malumpo para magtanda!” Sinimulan na ni Mama ang kanyang sermon. “Sa susunod ako mismo ang pipilay sa’yo para iwas-iwasan mo na ‘yang pagmomotor na ‘yan. Lagi kitang pinagsasabihan ha. Nagkulang ba ako sa paalala?! Ha?! Hindi lahat ng biyahe kailangan mong madaliin. Hindi lahat ng kaskasero may karapatan sa kalsada! ‘Yung mga maiingat lang ang may lisensya magbiyahe. Ikaw talaga—ano? Ano ba ang masakit sa’yo?” May kasamang pag-aalala ang tanong.

“Okay naman ako, Ma. Galos lang ‘to. Mas masakit pa nga ma-heartbroken kaysa dito e,” tumatawang sagot ko.
“Galos lang ba ‘yan kaya pala hindi mo matandaan na anak ka ng Tatay mo! Ikaw bata ka! Sige, ulitin mo pa ‘yan ha! Muntik na tuloy ako mawalan ng pangit na anak. Pahalik nga! Teka, may cake ka dyan sa ref. Gusto mo ba kainin? Para sa’yo ‘yun.”

Ayoko man ipakita ang ngiti sa labi ko, hindi naitago ng mga mata ko ang saya at galak dahil noong nakita ko si Mama, sa unang pagkakataon matapos ang aksidente, ay biglang nagbalik ang aking gunita. Unti unti. Dahan dahan. Patak-patak na mga alaala ang nagsimulang umulan sa disyerto ng aking memorya na kani-kanina lang ay may malubhang tagtuyot. Natatandaan ko na kung bakit ako nasa ganitong sitwasyon ngayon—pero parang may kulang dahil may mga bagay na ‘di ko pa rin maalala. Kung ako ang tatanungin, malabo pa rin ang buong istorya ng nakaraan ko. Gayunpaman, kahit papaano, ay lumiwanag ang isang parte ng madilim na kwarto ng aking memorya.

“Sige na, magpahinga ka na kung hindi iuumpog ko ‘yang ulo mo sa pader.”

Sweet talaga ni Mama kapag concern.