Sasakyang Panghimpapawid sa Langit

Sasakyang Panghimpapawid sa Langit

“Paano ako makakaidlip ngayon kung tatlong araw akong natulog?!”

‘Yan na lang ang nasabi ko habang nginunguya ang isang Fuji apple at nanonood ng kung anong palabas sa TV. Ang hiling ko lang naman ay sana balang araw ay magkaroon din ako ng talent na makatulog kung kailan ko gusto. Pero sa ngayon, lalamon na lang muna ako para makabawi sa tatlong araw na walang laman ang sikmura. Mag-isa lang ako sa kwarto ng ospital dahil lumabas si Daddy para bumili ng pagkain, at pinauwi muna namin si Mama para makapagpahinga.
Nakarinig ako ng marahan na pagkatok sa pinto. Napaisip ako kung sino ang potensyal na bisita na dadalaw sa akin dito sa ospital. Ilang pangalan ang nagrehistro sa utak ko pero hindi ako sigurado.
Dahan-dahan niya itong binuksan.

“Kuya, time na po for your meds,” mahinang bati ng isang nurse. Morena at maiksi ang buhok. Magiliw ang ngiti at may mapupungay na mga mata. Ang sabi ng nameplate niya ay siya raw si Jonnah. “Kuya, confirm ko lang po kung anong oras kayo huling uminom ng meds niyo?”

Napaisip ako at napatingin sa kinakain kong mansanas, “uh, hindi ko sigurado pero nakatatlong apple at limang slice ng pizza na’ko nang huling inom ko ng gamot!”

“Kuya, it’s time to drink your meds,” lumapit si Jonnah, “check ko lang po ang vitals niyo.”

“Blood pressure at temperature lang? ‘Di mo bibilangin ang tibok ng puso ko? Sabi pa naman ng puso ko, lab lab lab lab!”

Napatigil si Jonnah at ibinigay sa akin ang thermometer, “pero noong nasa emergency room ka, ang sabi ng puso mo, krrrrrrrrrrk. Anyways, buti na lang at nadatnan kong gising kayo, Kuya!” tumatawa habang ipinapasok ang cuff ng sphygmomanometer sa braso ko.

“Prenteng-prente na nga ang pagkakahiga ko kanina. I’m eager to fall into slumber pero paano ako makakatulog nang mahimbing kung alam kong may pizza pa akong hindi nauubos?! Ha? Paano?! Tell me?!”

“Dapat talaga inuubos ang pizza bago matulog! Mortal na kasalanan ’yun kapag ‘di naubos. By the way, here’s your meds, Kuya. I’ll check again after a few hours.”

“Kain ka muna! Saluhan mo lang ako. Sige na, visiting hours naman e. Kwentuhan tayo. Kahit 5 or 10 minutes lang. Walang bumibisita sa akin e.”

“Why are you so clingy, Kuya?! I just can’t take all these attention from you. You know, I have dreams and I’m so oooh young. Alam ko pera ko lang ang habol mo sa akin pero sana wag mo nang nilalagyan ng subliminal messages mo ‘yung mga ganitong paraan ng pakikipag-usap mo. My Gaaahd!” Naningkit ang mga mata ng dalaga. “Haha. Just joking, bawal po kase talaga and nakaduty ako, Kuya.”

“Ganito na lang, kunyari marami akong tanong about sa meds ko, about sa status ko. Tapos, kunyari inalok kita ng sopdrinks at pagkain.” Inabot ko sa kanya ang isang slice ng pizza na binudburan ng pepperoni, broccoli, cheese, at pineapple.

“Alam mo Kuya, hindi talaga ako makahindi ‘pag binibigyan ako ng pizza tapos puro cheese pa. Sige na nga, magkukwento na nga ako as payment for your bribe. Well, nando’n ako noong dinala ka sa ER. Akala ko nga mamamatay ka na that time. Sorry ha. I’m not wishing for it naman. It’s just that—you’re soaked with blood. Hindi ako takot sa dugo pero takot ako sa isang tao na naliligo sa dugo.”

“Even my parents. Natakot talaga sila,” lumunok ako, “pinaplano na nila i-donate ang mga internal organs ko. And I’m not even exaggerating!”

“Noong dinala ka sa emergency room, ako ‘yung kumuha ng vitals mo. I stared at you. Ang himbing ng tulog mo—parang ayaw mo magpagising. Pero si Doc, he was not giving up on you. Binulungan ka niya kaso wala ka pa ring reaction. And to tell you frankly, the heartrate monitor indicates that your heartbeat is flickering.”

“Talaga?!” pinutol ko ang pagkukwento ng kausap, “mukhang nakakatakot ha. Isipin mo, sa akin pa ‘yan nangyari—sorry, sige tuloy lang sa kwento.”

“Tinanggal ni Doc ‘yung bakal sa gilid ng ribs mo tapos sumirit ‘yung dugo. Nag-request si Doc ng surgical staplers, ng ganyan, ng ganito. Hingi ng pamunas. Kulang na lang, humingi ng sibuyas at bawang tapos magluluto na si Doc ng bopis. I know. I just know, wala ka nang pag-asa ‘cause your heart is starting to give up on you.”
Napatigil ako sa pagkain, “and then?”

“Binulungan ka ulit ni Doc. Sabi niya, ‘kung may pangarap ka pa na hindi natutupad, kumapit ka lang nang mahigpit sa katawan mo’. Then a CPR was done and an electric shock was given. Ayaw pa din. Deretso pa rin ang linya ng heart rate mo. Actually, sobrang tahimik ng kwarto, mga ingay lang ng machines ang maririnig mo.”

“Oh, paano ‘yun? Ano’ng nangyari?”

“Ayun. Kinuha ni Doc ang record sheet mo. May sinulat tapos may dumaan na eroplano. ZHOOOOOOTCH. Ang ingay! And then mula sa deretsong linya, nag-zigzag ulit ang heart rate mo. Alam mo ‘yun?! Tumibok ulit ‘yang puso mo. Nataranta nga ako. Binigay ko kay Doc ‘yung scalpel. Haha. Sabi ni Doc, ‘not this one. Prepare the bandages and scissors.’ Napakacool talaga ni Doc. Kaso I have to go out the room kase may iba pang pinakuha si Doc sa akin. Pagbalik ko, stable ka na.”

“Aaaah.”

“Kuya, sige na. Have to do rounds pa. Thanks sa soda at pizza ha!” Ngumiti si Jonnah at lumabas ng kwarto.

Pinalipat-lipat ko ang istasyon ng TV pero kahit anong dami ng pwedeng pagpilian na palabas, boring pa rin ang takbo ng oras sa loob ng ospital na‘to. Pakiramdam ko ay nakakulong ako sa maliit na kwarto at tanging bintana lang ang hibla na nagdurugtong sa akin mula sa labas ng mundo. Tama! Mukhang mas maganda nga ang mga palabas sa bintana kaysa sa telebisyon.

Tumayo ako. Maingat sa bawat galaw. Humihinto sa bawat lakad at nagkakarga ng lakas para makalapit patungo sa de-salamin na bintana. Nang marating ko ang pasimano, sumilip ako sa labas at isang eskinita ang bumulaga sa akin. Maraming bata ang nagkalat sa gitna ng kalsada at kahit malayo, naririnig ko ang pag-uusap-usap ng bawat isa na parang may pinag-aagawan. Sumigaw ang isang bata na animan daw ang hatian. Mukhang napagkasunduan na maglalaro sila ng patintero.

WEEEEEEEEEIIIINNGGGGG.

Dumaan ang isang eroplano. Inilabas ng ulap ang haring araw na nagregalo ng init sa kalsada. Tumingala sa langit ang matabang-batang-babae-na-may-maikling-buhok at itinaas ang kanang kamay at sumigaw ng “Ba-byeeeeee!”
Tumingala rin ako sa langit at sinundan ng tingin ang pag-alis ng sasakyang panghimpapawid.

“Oh, gutom ka na ulit?”

“Gutom na gutom na’ko sa pagmamahal,” pasulyap akong lumingon kay Daddy na may dalang softdrinks, spaghetti at halohalo.

“Kaya pala nangalahati ‘tong pizza,” ganti ni Daddy.

“Sobrang sarap naman kase ng pizza na binili mo, Pa. Favorite ko ‘yan. Maraming pepperoni,” ibinalik ko ang tingin sa labas ng bintana, “alam mo Pa, nakakatuwa ‘tong mga bata sa kalsada. Parang ako lang ‘tong mga ‘to fifteen years ago.”

Naaalala ko pa noon, siguro mga walong taong gulang ako, masayang-masaya ako habang naglilimborak sa mga kawid ng bakuran. Punung-puno ng kulay ang paligid. Humahalimuyak ang pabango ng damo. Nililipad ng hangin ang mga tuyong dahon. Lahat ng pagkakataon, umaayon sa cinematograpy. Ang tunog ng sasakyan ang nagsisilbing background music. Ang sinag ng araw, parang special effects na dumadampi sa mabasa-basang lupa. Parang sine.

“Oh, ano ‘yung naalala mo,” sinimulan na ni Daddy magmeryenda at inalok ako ng dala-dala niyang pagkain.
Tumango ako, senyas na busog pa rin. “Dahan-dahan akong naglalakad no’n Pa, habang sumusulyap-sulyap pa sa likod ko. Napatingin ako sa kaliwa at nakita ko ‘yung crush ko. Matatawa ka Pa, ramdam na ramdam ko ‘yung mabilis na daloy ng dugo ko mula puso patungo sa buong katawan ko. At pinangalanan ko ang pambihirang pakiramdam na ‘to ng: ‘Pag-Ibig.’”

“Oh, ‘yung crush mo—si Yengyeng ba ‘yun?!”

“Siya nga! Nakita ko si Yengyeng na naglalakad papalayo kaya nagsimula na ako tumakbo dahil alam kong pagsisihan ko kung hindi ko maaabutan ang taong nagpapabilis ng tibok ng puso ko,” sumandal ako sa bintana, “tumakbo ako na ang tanging rason ay pag-ibig at wala nang iba pa—”

“Gusto mo ng halo-halo?”

“Sige lang, Pa. Ayun nga. Tumakbo ako. Tumakbo nang tumakbo kay Crush—at nauntog! Huminto ang ikot ng mundo at bumagal ang tibok ng puso ko no’n. Tapos, kumawala ‘yung kaluluwa ko at nakita ko ‘yung sarili ko sa kalunos-lunos na kalagayan na ‘yon habang binabangga ko ang isang poste sa tapat ng tindahan ni Aling Toyang. Haha. Isa lang ang gusto ko mangyari. Gusto kong pulbusin ‘yung poste!”

Humalakhak si Daddy. “Oh, tuwing bumibilis ang tibok ng puso mo, ano na ang tawag mo dun? Infatuation na lang?!”
“Isa lang din ang natutunan ko noong mga panahon na ‘yun. Mas masakit pala mauntog sa harap ng crush mo. Ilang araw lang ang dumaan, nawala rin ang bukol sa ulo ko. Walang bahid ng sugat. Walang bakas ng disgrasya. Isang makinis na noo at panibagong simula—”

Pinutol ni Daddy ang pagkukwento ko, “pero dala-dala mo pa rin ang alaala.”

Sumilip ulit ako sa bintana. Oo nga naman, alaala na tinatawanan ko na lang ngayon.